<body><script type="text/javascript"> function setAttributeOnload(object, attribute, val) { if(window.addEventListener) { window.addEventListener('load', function(){ object[attribute] = val; }, false); } else { window.attachEvent('onload', function(){ object[attribute] = val; }); } } </script> <div id="navbar-iframe-container"></div> <script type="text/javascript" src="https://apis.google.com/js/platform.js"></script> <script type="text/javascript"> gapi.load("gapi.iframes:gapi.iframes.style.bubble", function() { if (gapi.iframes && gapi.iframes.getContext) { gapi.iframes.getContext().openChild({ url: 'https://www.blogger.com/navbar/2480742072650651373?origin\x3dhttp://studentstrike.blogspot.com', where: document.getElementById("navbar-iframe-container"), id: "navbar-iframe" }); } }); </script>
Back to StudentStrike HQ

Pagdaig sa Panghahati, Pagtapos sa Paghahari

Ang matapang na pahayag ng limang Katolikong obispo na nanawagan sa mamamayan na ”maghanda para sa isang bagong gubyerno”, gayundin ang muling pag-init ng kontrobersya sa pagbabalik ni Joc-joc Bolante, ay nagiging tuntungan ngayon ng malawak na kilusang anti-Arroyo upang muling magsama-sama at isikad ang kilusang masa para sa pagpapatalsik sa kinamumuhiang rehimen.

Batid ng marami na gagawin ni Arroyo ang lahat para manatili sa puwesto lagpas sa 2010 o kung hindi’y sisiguruhing ang hahalili sa kanya ay magtitiyak ng hindi niya pananagot sa mga kasalanan sa taumbayan. Inaasahan ang muling pag-init ng sitwasyong pampulitika sa mga susunod na buwan habang nakahanay na todong pakawalan ng rehimen ang mga pakanang pang-tiraniya: charter change, konsolidasyon ng kanyang partido at paninira sa oposisyon, kampanya ng pasistang paniniil sa mga progresibo at kilalang personaheng anti-Arroyo, hanggang sa lantarang pagpapataw ng emergency rule o batas militar.

Marapat lamang na tapatan ng higit na malakas at determinadong kilusan ng mamamayan ang mga maitim na balakin ng rehimen. Habang higit na nagiging desperado si Arroyo, higit namang umiinam ang sitwasyon para mapagkaisa at mapakilos ang mamamayan. Ngunit maraming dapat matutunan ang kilusang anti-Arroyo mula sa mga karanasan kung layon nitong dalhin sa isang bago at mas mataas na antas ang laban.

Matapos ang pagkilos sa Ayala noong Pebrero, hindi na muling nakapagtipon ng kasinglaking bilang sa lansangan -- na umabot sa lagpas 80,000 -- ang mga organisasyon at pwersang anti-Arroyo. Itinurong salarin ang pagpasok ng bakasyon ng mga estudyante na tintignang balon ng mga napapadalo sa mga pagkilos. Bagamat mahahalagang salik ito, may mga usaping dapat ding tignan hinggil sa naging mga kaganapan sa hanay ng prenteng anti-Arroyo.

Mabilis na nasamantala noon ng administrasyon ang mga sumingaw na negatibong reaksyon ng ilang kampo hinggil sa pag-akyat ng mga pulitiko, partikular ni Estrada sa entablado ng rali. Bagamat maaaring sabihing may pinagmumulan ang kanilang pagkadismaya, at may mga dahilan kung bakit nila ito piniling ihayag sa publiko, binigyan ng kamaliang ito ng pagkakataon ang administrasyon na pulaan ang makasaysayang protesta bilang pamumulitika, ipakitang hati-hati ang kilusang anti-Arroyo, at maliitin ang tagumpay ng makaysayang pagtitipon.

Nasundan pa ito ng mga paninira at intrigang kumalat sa mga paaralan at mga organisasyon laban sa Kaliwa na pumigil sa higit sanang paglaki ng protesta sa mga sumunod na linggo. Mas malaki pa sana ang makakalahok sa pagkilos na pinangunahan ng mga grupo ng kabataan pagdating ng Marso kung hindi kumalat ang mga tsismis na pinasok ng mga terorista at pinangungunahan ng mga komunista ang mga pagkilos, at kung buong sumuporta ang iba’t iba pang mga grupo na sa panahong ito ay naging malamya ang pagtugon.

Hindi rin nakatulong na malabo ang naging mga posisyon at panawagang inilabas ng simbahan. Bagamat may ilang mga mas radikal na obispo at sa kalakhan anti-Arroyo ang mga pahayag nila, ang labnaw at kawalan ng kategorikal na mga pahayag ay nagamit ng administrasyon para hatiin ang mga Katoliko at lituhin ang publiko. Mararamdaman din ang paguurong-sulong at hindi buong pagkasa ng makinarya ng simbahan sa pagpapakilos.

Ang ilan pa sa mga mas konserbatibong seksyon ng simbahan, bagamat pumopusturang anti-Arroyo at kumikilos sa balangkas ng ”katotohanan, katarungan at pagbabago”, ay nagdeklara ng pagtutol sa people power at panawagang talsik. Sa halip, nagpatihulog sila sa bitag ng rehimen na nagsasabing maghanda na lamang para sa 2010 kung kaya’t naunahan pa nila ang mga presidentiables sa pagtanaw sa eleksyon at nailayo ang atensyon ng marami sa kilusang masa.

Mahalaga ring banggitin na ang pagsusulong ng gubyerno ng Reproductive Health Bill na sumulpot matapos ang pagdedeklara ng ilang mga obispo laban sa Oil Deregulation Law noong nakaraang buwan, ay maaaring isang pakana para lituhin ang simbahan at ibaling ang atensyon nito palayo sa kilusang masang anti-Arroyo. Kung gayun nga, ipinapakita ng pagpatol ng simbahan dito ang bulnerabilidad nito sa mga panghahati at panlilito.

Sa huli’t huli, kailangang maunawaan ng marami na ang magiging mapagpasya pa rin sa pagpapatalsik sa remihen ay ang pagpapalakas at pagpapalawak ng kilusang masa. Dapat palakasin ang pagkakampanya at pagpapakilos lalo na ng mga pwersang progresibo sa mga komunidad, paaralan, pagawaan, atbp. Ang daang libong bilang na nagmamartsa sa kalsada ang makapangyarihang sandata na tatapos sa gubyernong ito. Kasabay nito kailangang puksain ang pesimismo ng ibang mga kampo at pag-asam sa mga milagro o di kaya’y sa aksyong militar lamang.

Kailangang matuto ang mga organisasyon ng kabataan at mamamayan sa mga karanasan nito ng pagpapakilos nitong nakaraang taon at paghusayan ang mga porma ng aksyon na magpapakilos sa mas maraming bilang ng mga mamamayan. Sa isang banda, ang pagtitiyak din nito ang magbibigay ng higit namang tatag at lakas ng loob sa iba’t ibang seksyon ng malawak na prenteng anti-Arroyo at sasalag sa mga panghahati ng rehimen sa nagkakaisang pagkilos ng taumbayan.

Kailangan ding maunawaan ng mga nag-aambisyong kandidato para sa 2010 na higit sa paghahanda para sa pangangampanya, kailangan silang maging bahagi ng kilusang masa laban sa tiraniya. Sa hanay ng mga ito, bagamat alam nila na maraming ipapakana si Arroyo at maaaring pigilan o maniobrahin pa nito ang eleksyon, namamayani ang pag-iisip na ”maghanda na rin sila kung sakali”. Pero natuto na ang publiko sa EDSA 2, at ayaw na ayaw na nila ng mga hitchhiker at mga mapagsamantala na aani lamang ng tagumpay na kilusang masa ang nagtanim. #

PinoyWeekly.org Column Nov 10-17

“Pagdaig sa Panghahati, Pagtapos sa Paghahari”

  1. Anonymous Philippines Says:

    Matagal na dapat natapos itong paghahri e... Sayang, kung napanghawakan lang sana noong EDSA. - Ana