<body><script type="text/javascript"> function setAttributeOnload(object, attribute, val) { if(window.addEventListener) { window.addEventListener('load', function(){ object[attribute] = val; }, false); } else { window.attachEvent('onload', function(){ object[attribute] = val; }); } } </script> <div id="navbar-iframe-container"></div> <script type="text/javascript" src="https://apis.google.com/js/platform.js"></script> <script type="text/javascript"> gapi.load("gapi.iframes:gapi.iframes.style.bubble", function() { if (gapi.iframes && gapi.iframes.getContext) { gapi.iframes.getContext().openChild({ url: 'https://www.blogger.com/navbar.g?targetBlogID\x3d2480742072650651373\x26blogName\x3dStudentStrike\x26publishMode\x3dPUBLISH_MODE_BLOGSPOT\x26navbarType\x3dBLUE\x26layoutType\x3dCLASSIC\x26searchRoot\x3dhttps://studentstrike.blogspot.com/search\x26blogLocale\x3den_US\x26v\x3d2\x26homepageUrl\x3dhttp://studentstrike.blogspot.com/\x26vt\x3d-7123066251283300075', where: document.getElementById("navbar-iframe-container"), id: "navbar-iframe", messageHandlersFilter: gapi.iframes.CROSS_ORIGIN_IFRAMES_FILTER, messageHandlers: { 'blogger-ping': function() {} } }); } }); </script>
Back to StudentStrike HQ

Di na paaalipin

Entry submitted for PinoyWeekly.org, Nov 3-10

Nitong nakaraang Oktubre 29-30, 2008 ginanap ang Global Forum on Migration and Development (GFDM) sa PICC sa Maynila, at binuksan ito ng mga pahayag ni Gloria Arroyo at UN Secretary General Ban Ki-Moon na nagkaisa: ang migrasyon ay instrumento para sa kaunlaran.

Ilang kanto mula sa venue ng GFMD, nagtipon ng International Assembly of Migrants and Refugees (IAMR). Nagsama-sama dito ang mga hindi imbitado sa GFMD -- ang mga migrante mismo -- ang mga alipin ng bagong mundo mula sa iba’t ibang panig, at sa kanilang mga sarili ay nagtanong: nasaan ang kaunlaran sa dustang kalagayan?

Nagpulong ang mga migrante at nagbahaginan ng mga kuwentong tiyak na di tatalakayin ng mga hari, burukrata at negosyante sa PICC. Habang pinag-uusapan nina Arroyo at Ban ang remittances, batas at mga proseso ng maramihang pagpapadala sa ibang bayan, pinagkukuwentuhan ng mga migrante ang kanilang mga pamilya, mga kasamahan, at ang kanilang pangarap na umuwi sa kani-kanilang mga bayan.

Malinaw ang kanilang deklarasyon: hindi kaunlaran ang mahiwalay sa pamilya, maabuso, mabigyan ng mumong pasahod, makaranas ng pang-iinsulto at pagkakapahiya, nakawan ng perang pinagpaguran para sa bulsa ng iilan. Hindi kaunlaran ang magahasa, mabartolina, mapugutan ng ulo, mabitay, mawalan ng asawa, anak, magulang.

Hindi kaunlaran ang mabigyan ng sahod alipin na nanakawin pa ng malalaking bangko at mga gubyernong mapagsamantala. Kung may salamangka na hatid ang remittance, black magic ng panloloko ito sa mga mamamayan ng mundo.

Sa araw ng pagbubukas ng GFMD, lumabas ang mga migrante at nagmartsa. Isantambak ng mga pulis at sundalo ang itinapat sa kanila. Napigilan man nito ang paglapit nila sa lugar ng pagpupulong, bigo itong puksain ang kapangyarihan ng kanilang nagkakaisang tinig na pinaalingawngaw sa buong daigdig.

“Now we speak for ourselves!” Ito ang islogan ng International Migrants’ Alliance (IMA) na nanguna sa martsa. Nakakatindig-balahibo kung tutuusing mula ito sa mamamayang itinaboy mula sa sariling bayan, pinagkaitan ng boses at pinilit magsalita sa tinig ng iba, at tinanggalan ng sariling karapatan bilang tao pagkat tinuring bilang kalakal.

Oktubre 29-30, 2008, nagtipon ang mga naghahari-harian at mga alagad ng karimlan at sila’y nagkaisa: higit nating pahirapan ang mga alipin, higit nating pagsasasaan sila at ang kanilang mga anak.

Ilang kanto mula rito, itinipon ang nagpupuyos na galit sa puso nilang matagal nang dinusta. Iba’t ibang lahi, iba’t ibang salita, pero iisa sa pagbabanta: di na kami paaalipin, di na palalansi, ang kinabukasan ng mundo ay sa amin at sa aming mga anak. #

“Di na paaalipin”

  1. Anonymous Philippines Says:

    Ano kaya ang nangyari kung sinabi and isinambulat ni Angele Reyes and lahat ng kanyang nalalaman?