<body><script type="text/javascript"> function setAttributeOnload(object, attribute, val) { if(window.addEventListener) { window.addEventListener('load', function(){ object[attribute] = val; }, false); } else { window.attachEvent('onload', function(){ object[attribute] = val; }); } } </script> <div id="navbar-iframe-container"></div> <script type="text/javascript" src="https://apis.google.com/js/platform.js"></script> <script type="text/javascript"> gapi.load("gapi.iframes:gapi.iframes.style.bubble", function() { if (gapi.iframes && gapi.iframes.getContext) { gapi.iframes.getContext().openChild({ url: 'https://www.blogger.com/navbar.g?targetBlogID\x3d2480742072650651373\x26blogName\x3dStudentStrike\x26publishMode\x3dPUBLISH_MODE_BLOGSPOT\x26navbarType\x3dBLUE\x26layoutType\x3dCLASSIC\x26searchRoot\x3dhttps://studentstrike.blogspot.com/search\x26blogLocale\x3den_US\x26v\x3d2\x26homepageUrl\x3dhttp://studentstrike.blogspot.com/\x26vt\x3d-7123066251283300075', where: document.getElementById("navbar-iframe-container"), id: "navbar-iframe", messageHandlersFilter: gapi.iframes.CROSS_ORIGIN_IFRAMES_FILTER, messageHandlers: { 'blogger-ping': function() {} } }); } }); </script>
Back to StudentStrike HQ

Daluyong sa UPIS

This was the article I submitted for my column on this week's Pinoy Weekly online newspaper. I really wanted to write this article during the celebrations of the UP centennial, but never really found the time to do so.

Daluyong*

http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/10/daluyong

IKAAPAT na Lunes iyon ng Hulyo, taong 2000. Karaniwang hindi ako maagang pumapasok sa unang araw ng linggo dahil bukod sa nakakatamad galing sa ilang araw na walang pasok, flag ceremony lang naman at homeroom ang klase sa unang dalawang oras. Pero iba ang araw na ito.

Maaga pa lang, nakabantay na ako kasama ang ilan pa sa daanan ng karamihan ng mga kaeskuwela. Isa-isa namin sa kanila iniaabot ang mga polyeto, sabay tanong: "Tol, sama ka mamaya ha?"

Ilang linggo din ng paghahanda, pagkakampanya at kumbinsihan iyon. Room-to-room, Pangkalahatang Asembliya sa mga balangay kada seksiyon, at mga talakayan ng Oust Primer. Nagkalat sa kampus ang mga sulat-kamay na poster hinggil sa kalagayang panlipunan, at sa huli, nakasulat sa malalaking titik: "SUMAMA SA SONA (State of the Nation Address) RALLY!"

Kahit sa mga banyo at upuan, katabi ng vandal na "I WAS HERE" at "PUSH TO EJECT TEACHER" ang "SOBRA NANG PAHIRAP, PATALSIKIN SI ERAP! – ANAKBAYAN-UPIS".

Napag-usapan na ang mga target. May mga klase kung saan lahat ng estudyante ay hindi na papasok. Sa iba, aabot ng kalahati ang sasama. Para matiyak ang pagsama sa araw na ito, inayos na ang hatian para sa sunduan at paglabas sa silid-aralan.

Naghanda kami kung sakaling pigilan. Nagpa-xerox na kami ng maraming kopya ng excuse letter na inilabas ng administrasyon ng UP na nakuha namin mula sa Office of the Student Regent (OSR). Siyempre, alam naming sasabihin nila na para lang ’yun sa mga mag-aaral sa kolehiyo. Pero wala namang nakalagay na hindi kami kasali, para ang sulat sa lahat ng estudyante, kaya pasok kami.

Pagkatapos ng flag ceremony, sunduan na sa mga klase. Magkikita-kita sa tapat ng CR malapit sa canteen. Kanya-kanya ng diskarte. Marami sigurong nag-“may-I-go-out” noon. Maya-maya pa, naglulunsad na kami ng snake rally at naghihikayat sa iba na sumama.

Mahigit kumulang isang daan na ang sumama, pero gaya ng inaasahan, nang papalabas na, pinigilan na kami ng guwardiya. Maya-maya pa, nakipigil na din ang mga guro. Hindi naman mahigpit sa paglabas sa kampus noon sa mga mahilig mag-“cutting classes”, pero siguro alam na nilang hindi lang simpleng bulakbol ang adyenda namin.

Syempre umalma kami: ”Ma’am walang pasok sa UP. Excused ang mga estudyante na pupunta sa rali!” Susubukan nila kaming paliwanagan, pero sa bawat sagot nila, naghanda kami ng mas maraming pambara. Kabisado namin ang Universal Declaration on the Rights of the Child na nagsasabing kahit menor-de-edad kami, may karapatan kaming maghayag ng karapatan at sumama sa mapayapang pagpoprotesta.

Para daw maayos, pinapasok ang lahat ng gustong sumama sa loob ng isang kuwarto at doon pag-uusapan ang paglabas namin. Ang bilis din talaga mag-isip ng diskarte ng mga kasama, nagtalaga ng ilang mga tao na maglunsad ng room-to-room para ipalaganap na ang mga gusto pang sumama, pumunta sa multi-purpose hall dahil pag-uusapan ang pagpayag ng administrasyon sa protesta. Di lalo pang dumami ang interesadong pumunta.

Dinelay ng pag-uusap ang aming paglabas at pinaghintay kami. Sinamantala naman namin ito para magtalakay ng MKLRP (Maiksing Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino) sa mga mag-aaral sa layuning itaas pa ang kamulatan ng mga nagpasya nang sumama.

Pagdating ng ilang oras, malinaw na hindi na kami papayagang lumabas. Maya-maya pa’y nabalitaan na naming suspendido ang klase sa Commonwealth at may hinihikayat ang mga paaralan na pauuwin ng maaga ang mga mag-aaral. Lahat ng mga dadaan ng Commonwealth ay maaari nang pauwiin ng maaga basta pumirma lamang sa isang request form. Lahat kami, siyempre, pumirma. Pinauwi ang ibang estudyante pero hindi ang mga tukoy na pupunta sa protesta.

Dito na kami nagdesisyon na hindi na maghintay na payagan. Tingin nami’y ginawa na namin ang lahat ng paraan para pagbigyan ang mga kondisyon ng administrasyon. Alam ng mga mag-aaral ang halaga ng paglahok sa makasaysayang protestang ito at hindi namin hahayaang ang mga teknikalidad at maliliit na usapin ay makapigil sa amin.

Ipinaayos ang hanay. Nalakad kami papunta sa gate. Dahil isa ako sa mga “lider”, ako ang ipinakausap sa guwardiya. Habang kinakausap ko siya, binuksan na ng ibang mga kasamahan ang gate. Pagbukas, karipas na ng takbo lahat palabas. May iba na umakyat pa sa bakod sa halip na sa gate dumaan para lang siguradong di mahaharang.

Kakaibang tapang at kapangahasan iyun para sa mga mag-aaral na kung tutuusi’y nasa 14 hanggang 15 na taong gulang lang! Ano kaya ang iniisip ng mga dumadaan sa tapat ng paaralan namin nang makita na may mga batang estudyanteng nagpupulasan ng takbo na parang tumatakas sa preso?

Tinangka pa ng guwardiya na hablutin ang isang kasama namin, pero hindi nya rin kami napigilan. Paglabas, diretso sakay sa mga dyip na kinontrata na ng ibang mga mag-aaral. Karipas agad ang mga dyip na akala mo imeeskapo sa holdap.

Hindi kami nakarating ng Batasan noon. Matindi ang pandarahas kaya’t sa bukana lang ng UP nakapagprograma ang bulto ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan).Nabasa kami ng malakas na ulan, pero masaya kami. Alam namin na hindi lang kami naging bahagi ng kasaysayan, kami mismo ay lumikha ng aming kasaysayan. Sa araw na iyon malinaw ang mensahe namin: hindi hadlang ang murang edad sa pangangahas na makialam at lumaban.

Ang Sona na iyon ay ang huli na ni Erap bilang pangulo. Ilang buwan matapos, mas malalaking protesta pa ang sasambulat hanggang sa tuluyang pagpapatalsik sa kanya sa pag-aalsa sa Edsa.

Sa kabila ng mga banta sa ng administrasyon ng paaralan na makasuhan ang lahat ng mga sumama sa rali na iyon noong Sona, marami pa rin ang nag-walk-out sa klase at tumungo sa Edsa pagdating ng Enero 2001 at tuloy-tuloy na kumilos para sa panlipunang pagbabago hanggan sa kasalukuyan.

Sa katunayan, ang Corps Commander namin noon, si Icy Salem, ay tagapagsalita na ngayon ng People’s Caravan, isang grupo na nangangampanya laban sa Value Added Tax. Ang valedictorian ng aming batch at oblation scholar na si Ken Ramos – na nanguna rin sa pagsusuot ng pulang ribbon noong aming graduation – ngayon ay Pambansang Tagapangulo na ng Anakbayan. Ang sikat na ”bandista” ng batch, si Bogs Paterno, gitarista na ng progresibong cultural group na Sinagbayan.

Marami pa ang mga kasama noon ang ngayo’y mga susing organisador na sa iba’t ibang organisasyon at lugar. Isa sa aming mga lider noon at kasamahan, si Erika Salang ay nagpasyang mag-organisa sa kanayunan at naging martir sa gitna ng magiting na labanan noong Marso 2006.

Kamakailan lamang, nakita ko muli sa isang rali ang ilan sa mga ka-batch sa ”Daluyong”. Iba’t iba na ang aming mga pag-alaala at pagtingin sa mga naganap noong araw na iyon, pero malinaw na nag-iwan ito ng marka sa aming mga buhay at gayundin sa kasaysayan ng UPIS. Ipinakita ng pagkilos namin noon kung paanong sa panahon ng matinding krisis panlipunan, nagiging handa ang mga mag-aaral, gaano man kabata, na kumilos ng sama-sama para sa pagbabago.

Sa ibayo pang pagsahol ng kalagayang panlipunan sa kasalukuyang panahon, natitiyak kong ang daluyong ay aagos pa hanggang sa mga susunod na henerasyon.

*”Daluyong” ang batch name ng mga nagtapos sa UPIS noong 2002. Para kay Erika at sa lahat ng mag-aaral at magiging mag-aaral pa ng UPIS.

“Daluyong sa UPIS”

  1. Blogger asia Says:

    iniisip ko, bakit ang layo na ng upis ngayon sa itinaguyod niyong upis noon. nalulungkot ako sa ideya na yun. na napaka-kaunti na ng mga kritikal sa 'is ngayon. at ang layo-layo niyo noon sa mga kabtaan ngayon.

    pero. kaya nga dapat balikan yung eskuwelahan na yun.